Filtered By: Topstories
News

‘Peeping tom,’ bugbog-sarado matapos maaktuhang mamboso


Bugbog-sarado at lamog ang mukha ng lalaking namboso at nag-video ng babaeng naliligo sa San Nicolas, Ilocos Norte noong Martes.

Naaktuhan ng asawa ng babae ang pamboboso kaya bugbog si "unlucky peeping tom" na kinilalang si Lucky Lourence Castro, 29, ayon sa ulat ni GMA News stringer Dennis Gabriel Alipio.

Ayon sa pulisya, nagpunta umano ang suspek sa tiangge ng biktima at nakipag-inuman kasama ang mga kabarkda.

Napansin umano ng suspek na nagpunta sa banyo ang babaeng may-ari para maligo. Agad daw na sinundan ng suspek ang babae at pumwesto sa lababo para kunan ng video ang biktima.

Naaktuhan ng mister ng biktima ang suspek. Kumaripas ito ngunit sa tulong ng mga kabarangay, nahuli ito. Bugbog sa mukha ang inabot ng suspek.

Nabawi mula sa kanya ang cellphone na ginamit sa pagkuha ng video habang naliligo ang biktima.

Inamin ng suspek ang krimen at mangiyak-iyak umanong humingi ng tawad. Sinabi nitong naka-inom daw siya at napagtripan na busuhan ang biktima.

Nakadetine ngayon sa Ilocos Norte Provincial Jail ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. —LBG, GMA News