Filtered By: Topstories
News

2 patay, 6 sugatan sa 2 pagsabog sa Quiapo


Dalawa ang nasawi, at lima pa ang nasugatan—kabilang ang dalawang pulis— sa dalawang pagsabog  na naganap sa Quiapo, Manila nitong Sabado. Nangyari ang insidente isang linggo makaraang may maganap ding pagsabog sa lugar na ikinasugat ng 14 katao.

Naganap ang unang pagsabog nitong Sabado sa Norzagaray Street, malapit sa Manila Golden Mosque, dakong 6:00 p.m.

Sinasabing nakalagay sa pakete ang bomba na sumabog na tinanggap ng isa sa mga biktima.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde, hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawi.

Ang mga nasugatan ay dinala sa Mary Chiles General Hospital sa Sampaloc district.

Ang ikalawang pagsabog ay nangyari dakong 8:30 matapos magsagawa ng briefing si Albayalde tungkol sa unang pagsabog.

Sa ulat dzBB radio,  dalawang miyembro ng Manila Police District's Explosive and Ordinance Division (EOD) ang nasaktan sa ikalawang pagsabog, na tinatayang 50 metro lang ang layo sa lugar kung saan nangyari ang unang pagsabog.

Sa video na kuha ni dzBB report Olan Bola, makikita ang pagkakagulo dahil sa ikalawang pagsabog.

 

 

Sinabi sa opisyal ng EOD, kumukuha ng mga shrapnel o bahagi mula sa unang sumabog ang kaniyang mga tauhan nang maganap ang ikalawang pasabog.

Sa ulat ni dzBB reporter James Agustin, nagdala ng ICOR Caliber MK3 robot ng EOD para alamin kung may iba pang pampasabog na iniwan sa lugar.

Hindi pa batid ng mga awtoridad kung anong uri ng bomba ang dalawang sumabog.

Sa press briefing, sinabi ni Albayalde na isang suspek ang naaresto ng Manila police.

Noong Biyernes, April 28, 14 katao ang nasugatan nang sumabog ang isa umanong "pipe bomb" sa Quezon Boulevard corner Soler Street Barangay 391 sa Quiapo .

READ: Several injured in Quiapo blast

Naniniwala ang pulisya na "gang war" at hindi konektado sa terorismo ang naturang pagsabog na nataon sa panahon na ginaganap ang 30th ASEAN Summit sa Maynila.

Kaugnay din ng pagsabog noong nakaraang linggo, sinalakay ng mga pulis ang ilang bahay sa Quiapo nitong Biyernes, May 5,  at ilang gamit umano sa paggawa ng bomba ang nakita. (READ: Cops raid Quiapo homes a week after blast). -- FRJ, GMA News