Filtered By: Topstories
News
PANGARAP MAGING PRIME MINISTER NG UK

Batang Pinay, mas mataas pa raw ang IQ score kay Albert Einstein


Isang batang Pinay sa United Kingdom, na ang mga magulang ay tubong Malabon, ang natuklasan na may intelligence quotient o IQ na mas mataas pa sa kinikilalang genius sa mundo na si Albert Einstein.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang matalinong bata na si Mia Golosino, 11-anyos, at anak nina Jose at Twinkie.

Nais daw sana ni Mia, isa ring swimmer at ballerina, na mag-aral sa isang grammar school o academic high school sa Britanya pero tinanggihan siya dahil sa "over-subscription" o ubusan ng slot.

Sa kagustuhan ng mga magulang na iapela ang apikasyon ng anak, kumuha ng test si Mia sa MENSA, isang organisasyon ng mga may matataas na IQ sa buong mundo.

Dito natuklasan na 162 ang IQ ni Mia, na higit pa sa 140 IQ level para ituring na isang genius, at daig pa ang 160 IQ ng kilalang imbentor na si Albert Einstein.

Matapos lumabas ang resulta ng IQ test, inalok umano si Mia ng Loyal Latin School sa Buckingham na sa kanila na ito mag-aral.

Pangarap daw ni Mia na maging kauna-unahang Pilipinang Prime Minister ng UK. -- FRJ, GMA News

Tags: iq, psstumg, umgnews