Patay ang isang civilian agent ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police matapos siyang dikitan ng riding in tandem at saka pinagbabaril sa Cotabato City.

Sa Paspasang Balita ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na sakay ng kaniyang motorsiklo ang biktimang si Allan Takbir at binabagtas ang Sinsuat Avenue nang pagbabarilin siya ng mga salarin.

Wala pa umanong pahayag ang CIDG tungkol sa pagkakapaslang sa kanilang confidential agent.

Samantala, riding in tandem din ang itinuturong pumaslang sa barker ng jeep sa Plaridel, Bulacan, na si Manuel Bautista.

Ayon sa mga awtoridad, nagtatawag lang ng mga pasahero ang biktima nang bigla itong pagbabarilin ng mga salarin na naka-helmet.

Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan sa krimen ang pagkakasama ni Bautista sa drug watchlist. -- FRJ, GMA News