Nauwi sa trahediya ang umano'y pangungursunada ng dalawang lalaki na sinasabing lasing makaraang silang barilin ng taong kanilang pinagtripan sa Quezon City.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing galing sa beer house ang mga biktimang sina Nico John Ledesma at Nelver Inano, nang kursunadahin umano ng mga ito sa kalye ang hindi pa nakilalang salarin sa Kamias Street, Quezon City, dakong 3:00 a.m.

Inabutan ng mga kaanak at mga awtoridad ang duguang bangkay ng dalawa sa kalsada na may mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Kuwento ng isang barangay tanod sa lugar, bago naganap ang krimen ay nasita na nila ang dalawang biktima na galing sa beer house bunga ng bitbit na alak habang papunta sa isang burger store para kumain.

Nang sandaling iyon, tila nangungursunada na umano ang dalawa na pinagsabihan ng mga tanod na umuwi na at pinabayaan na nila.

Hindi nagtagal, nakatanggap na ng tawag ang barangay na may binaril na sa lugar— sina Ledesma at Inano.

Ayon sa isang saksi, bago nagpaputok ang salarin ay binalaan pa raw nito ang dalawa na huwag lumapit nang makitang may itinatago sa likod ang isa sa mga biktima.

Inilarawan naman ng isa pang saksi ang umano'y salarin na nakasuot ng bull cap, orange na t-shirt at cargo shorts.

Inaalam pa ng awtoridad kung may CCTV camera sa lugar na posibleng maging daan para makilala ang salarin. -- FRJ, GMA News