Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang lahat ng parish priests sa Archdiocese of Manila na makiisa sa isasagawang “Inter-religious prayer at Mass for life” na isasagawa sa University of Sto.Tomas grounds sa ika-21 ng Mayo 2017 ganap na alas-4 ng hapon.

Ang interreligious prayer at Misa ay bahagi ng 21-araw na cross-country “Lakbay-Buhay march-caravan" laban sa death penalty bill.

“We are inviting you to the Eucharistic Celebration of Lakbay-Buhay to be held on the grounds of the University of Sto. Tomas on May 21, 2017. There will be an educational program at 4:00 PM to be followed by the Mass at 5:00 p.m.,” ayon bahagi ng circular letter ni Cardinal Tagle

Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na ang Lakbay-Buhay laban sa death penalty bill ay inisyatibo ng iba’t-ibang grupo kasama ang Simbahang Katolika upang isulong ang kamalayan hinggil sa pagpapahalaga sa buhay at pagtutol sa muling pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.

Inihayag ni Cardinal Tagle na ang kauna-unahang march caravan for life ay nagsimula sa Cagayan de Oro sa Mindanao at magtatapos sa Senate grounds ay isang education pilgrimage upang magkaroon ng kaalaman ang publiko na labanan ang iba’t ibang krimen sa lipunan sa pagsusulong ng restorative justice at hindi death penalty.

“Lakbay-Buhay is an initiative of various groups of laypeople to promote awareness and involvement regarding issues of life, especially the re-imposition of the death penalty. The march that started in Mindanao to end up in the Philippine Senate gives us an opportunity to find ways of fighting crimes, for all crimes violate life, but without resorting to measures that also violate life, like capital punishment, pahayag ni Tagle.

Ipinagdarasal ng Kardinal na sa pamamagitan ng sama-samang pagninilay at pagdarasal ay manaig sa Pilipinas ang kultura ng buhay at hindi ang kultura ng kamatayan.

Nagsimula noong ika-4 ng Mayo ang Lakbay-Buhay march caravan for life sa Cagayan de Oro city patungong Cebu city, Sorsogon, Naga city, Legazpi city sa Albay.

Sa ika-19 ng Mayo, tatanggapin ng Ateneo de Manila University ang core pilgrims kung saan sila pansamantalang manunuluyan hanggang sa matapos ang march caravan sa ika-24 ng Mayo sa pamamagitan ng prayer rally at pagdaraos ng banal na Misa sa Senate of the Philippines grounds sa Pasay City. —LBG, GMA News