Tatlong hinihinalang carnapper at dalawang umano'y snatcher ang napatay sa magkahiwalay na pagresponde ng mga pulis sa Quezon City.

Sa ulat ni Olan Bola sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing binabaklas na ng tatlong suspek ang mga pakikinabangan sa tinangay nilang taxi nang abutan ng mga rumespondeng tauhan ng anti-carnapping unit ng QCPD dakong 11:00 p.m. nitong Huwebes sa Fairview.

Bagamat nasukol na, nagpaputok pa rin umano ang mga suspek kaya gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang tatlo.

Kuwento ng drayber ng taxi, sumakay ang tatlo sa Katipunan Avenue at nagdeklara ng holdap pagsapit nila sa V. Luna.

Tinangay ng mga suspek ang taxi at iniwan naman ang drayber, na kaagad na nagsumbong sa mga awtoridad.

Mabilis na umaksyon ang mga pulis hanggang sa mangyari na umano ang shootout.

Nakuha sa mga suspek ang tatlong baril.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may grupong kinabibilangan ang mga napatay na suspek.

2 SNATCHER, PATAY DIN

Sa barangay Batasan Hills, napatay din ng mga rumespondeng pulis ang dalawang hinihinalang snatcher na nang-agaw umano ng bag ng isang babae dakong hatinggabi.

Sa hiwalay na ulat ni Jay Sabale, sinabing sakay ng motorsiklo ang dalawang suspek na nakipagbarilan umano sa mga awtoridad kaya sila napatay.

Ayon sa mga awtoridad, sisitahin sana ang mga suspek dahil walang plaka ang kanilang motorsiklo pero tumakbo umano ang mga ito nang makita ang mga awtoridad.

Hinabol sila ng mga awtoridad at nang abutan ay nagpaputok umano ng baril kaya gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng mga suspek.

Nakuha sa mga suspek ang bag ng biktima naglalaman ng mga ID, cellphone at pera. -- FRJ, GMA News