Sa sorpresang pagbisita ni bagong Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa DFA Office of Consular Affairs sa Aseana sa Pasay city, personal niyang nakita ang mga problemang kinakaharap ng mga kumukuha ng pasaporte.

Kabilang sa mga problema ang matagal na pagpili ng mga aplikante na umaabot ng mahigit limang oras, ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

Humingi ng pang-unawa si Cayetano sa publiko dahil umano sa mga problema na kaniyang mamanahin sa DFA matapos siyang manumpa sa posisyon kay Pangulong Duterte nitong Huwebes ng gabi.

May nakausap din si Cayetano na isang overseas Filipino worker na nag-aaplay din ng pasaporte at nalaman nito na sa susunod na buwan pa siya makakakuha ng appointment.

Tinulungan ng kalihim ang OFW na gamitin ang kanilang special lane para sa mga manggagawang migrante.

Natuklasan din ni Cayetano na maraming passport applicants ang inaabot ng dalawang buwan bago makakuha ng appointment, at libu-libo pa umano ang mga aplikante ang naghihintay na makakuha ng appointment.

Nangako si Cayetano na gagawa ng mga rekomendasyon para mapabilis ang proseso sa pagkuha ng pasaporte, at gawing mas mahusay ang online passport application.

Kailangan umano itong isagawa sa harap ng pagratipika ng Kamara de Representantes sa bicameral report sa panukalang batas na pahabain sa 10 taon mula sa kasalukuyang limang taon ang bisa ng mga pasaporte. -- FRJ, GMA News