Isang ina ang nakuhanan ng video na binubugbog ang sariling anak na babae sa labas ng isang tindahan sa Kawit, Cavite kamakailan.

Sa video, ilang ulit hinampas sa ulo at tinadyakan ng ina sa iba't ibang bahagi ng katawan ang kanyang anak.

Nang maging viral ang video, umabot ito sa kapitan ng Barangay Balsahan Bisita na si Anthony del Rosario at ipinatawag sa barangay hall ang mag-ina nitong Sabado.

Paliwanag ng ina, matigas ang ulo ng kanyang anak.

"Dumating sa punto na bastos na siya eh kasi hindi siya sumusunod sa akin. Ayan, nasasaktan ko na na hindi dapat," sabi ng ina sa panayam ng GMA News.

Aniya, lumalabas ang kanyang anak tuwing maggagabi na.

Ayon sa bata, noong Huwebes lamang siya nasaktan ng kanyang ina. Gusto na umano ng kanyang ina na maligo na siya, "Eh ayaw ko pang maligo."

Ang viral video ay kuha ni Facebook user Em Ytterp, na nagpunta rin sa barangay hall ng Balsahan Bisita upang makaharap ang mag-ina.

Nakatakdang dalhin ng mga taga-barangay ang mag-ina sa Department of Social Welfare of Development. —ulat ni Jaime Santos/ALG, GMA News