Ipinagtanggol ng Malacañang si Pangulong Rodrigo Duterte sa panibago nitong 'rape joke' sa harap ng mga sundalo sa Iligan City nitong Biyernes.

"PRRD is decisively acting, speaking with heightened bravado, that law and order would be brought back in these areas of rebellion in the soonest time possible and that normalcy would likewise be restored with minimal loss of lives," saad sa pahayag na inilabas ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

"In Iligan, he gave his full support to the men and women in uniform, taking complete responsibility for their actions, even exaggeratedly describing crimes like taking a fourth wife," dagdag ni Abella.

Tiniyak ng opisyal sa publiko na ang kaligtasan at pagbibigay ng proteksyon sa buong bansa ang nasa isipan ni Duterte.

Ginawa ni Duterte ang biro sa harap ng mga sundalo ng Philippine Army's 2nd Mechanized Infantiry Brigade sa Iligan City, na sasabak sa operasyon laban sa Maute group na umatake sa Marawi City.

Sa kaniyang talumpati, binigyan katiyakan ni Duterte ang buong suporta sa mga sundalo at aakuin umano niya ang lahat ng responsibilidad at pananagutan bunga ng idineklara niyang Martial Law sa lalawigan bunsod ng kaguluhan sa Marawi.

“‘Pag naka-rape ka ng tatlo, aminin ko na akin iyon," bahagi ng talumpati ni Duterte.

"‘Pag nag-asawa ka ng apat, t—ina, bugbugin ka ng—ito si Delfin,” patungkol niya kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ginawa ni Abella ang paliwanag matapos umano ng mga batikusin ang naturang biro ni Duterte.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na hindi dapat ginagawang biro ang panggagahasa.

"Again, rape is not a joke. Rape is a crime. Rape is a violation of the Bill of Rights [which] is not suspended by Martial Law. Rape is not a joke," diin ng mambabatas.

Sinabi naman ni Sen. Francis "Kiko" Pangilinan, na dapat humingi ng paumanhin si Duterte sa kaniyang ginawang biro.

"Even as a joke it is unacceptable for anyone to joke about rape, more so coming from the commander in chief. He should apologize for the offensive remark," paliwanag ng senador.

Sinabi naman ni Sen. Antonio Trillanes IV,  na "Duterte hopes to destroy the internal discipline and professionalism of the Armed Forces of the Philippines the same way he destroyed that of the Philippine National Police para gagawin niyang private army [niya] to do as he pleases."

Patuloy niya, "'Wag na sana niya idamay ang AFP sa mga kagaguhan niya. Very professional na ang AFP ngayon... Let me remind him that he won't be in power forever. I am sure that he would be made to answer for all of his evil deeds the very second he steps out of office," he added.

Maging ang tagasuporta ni Duterte na si National Youth Commission chair Aiza Seguerra, nag-post ng mensahe sa Facebook para umapela kay Duterte na itigil na ang mga biro tungkol sa rape.

"Presidente, tama na po ang rape jokes please," ayon kay Seguerra.

Ngunit para kay Sen. Tito Sotto, hindi dapat siniseryoso ang rape joke ng pangulo .

"Joke nga eh bakit seseryosohin?" pahayag ng senador sa text message.

Noong panahon ng kampanya, pinag-usapan din ang ginawang pagbibiro ni Duterte sa nangyari sa  Australian missionary na si Jacqueline Hamill, na namatay at ginahasa sa naganap na hostage-taking sa Davao City noong 1989. -- FRJ, GMA News