Sa harap ng kaguluhan sa Islamic City of Marawi ngayon panahon ng banal na tradisyon ng Ramadan sa mga Muslim, ang kanilang panalangin para sa kapayapaan ay sinasamahan din nila ng bayanihan para tulungan ang mga apektadong kababayan.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Sabado, sinabing hindi pa man sumisikat ang araw ay nagsimula na ang Soboh o dawn prayer sa Masjid Abubakar Mosque sa Cagayan de Oro sa unang araw ng Ramadan.

Mas malalim umano at taimtim ang mga panalangin bunga na rin ng patuloy na bakbakan ng militar at Maute group sa Marawi City.

Pagdiin ni Casser Amerol, secretary ng CDO Muslim Association, walang puwang sa Islam ang terorismo. 

"Terrorism has no place in Islam. It is a religion of peace. Bombings, kidnapping is not Islam," pagkondena niya.

Sa Mashwara o pulong ng mga Muslim elders matapos ang panalangin, pinag-usapan nila kung paano sila tutugon sa mga lumilikas mula sa Marawi.

Base umano sa Quran, hindi dapat masyadong magpagod ang mga Muslim kapag Ramadan. Pero tuloy ang repacking ng mga volunteer tulad ng mga law student na kapwa tubong Marawi, na nagsabing may mga kamag-anak silang naipit sa bakbakan sa lungsod na kanilang pinagmulan.

Kailangan ng mga evacuee ng mga pagkaing halal, toiletries at mga gamit pambata, tulad ng diapers at gatas.

Kabilang naman sa mga naipit sa Mindanao State University-Marawi Campus ang isang grupo ng mga mag-aaral na nasagip ng mga social worker ng ARMM-Heart.

Ang isa sa kanila, hindi mapigilan na maging emosyonal sa pagpapasalamat sa pagsagip sa kanila.

Namayani rin ang bayanihan sa ilan pang lugar. May ilang volunteer ang namigay ng libreng pagkain, libreng nagpagamit ng banyo at may libreng sakay sa mga lumilikas.

Samantala sa isang pahayag mula kay ARRM Gov. Mujiv Hataman, ipinahayag niya ang kalungkutan dahil mayroon silang mga kababayan na naiipit sa kaguluhan ngayong panahon ng Ramadan.

"It is heartbreaking to note that our brothers and sisters in Marawi City will be welcoming the Ramadan away from home and filled with anxiety. I’d like to reassure them that the Autonomous Regional Government is working in solidarity with other government agencies and private institutions to ensure their safety and welfare and help restore normalcy in the city," ayon sa gobernador.

"Let us include them in our thoughts and prayers," dagdag niya. 

Patuloy ni Hataman, ang Ramadan ay pagkakataon para mapalalim ang kanilang pananampalataya at pagninilaylay.

"As one of the pillars of Islam, fasting is more than just abstinence, it teaches us to be generous, kind-hearted and forgiving. Prophet Muhammad (peace and blessings be upon him) said that Ramadan is the month of mercy and forgiveness," ayon sa gobernador. -- FRJ, GMA News