Upang mabawasan ang mga basura lalo na ang hindi nabubulok, ipagbabawal na ang pagdadala ng plastic at styrofoam sa Boracay simula sa July 15.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Aklan na kukumpiskahin na muna ang mga makikitang plastic at styrofoam na dala ng mga tao.

Pero simula sa Enero 2018, sisimulan na ang pagpapataw ng multa sa mga mahuhuling lalabag sa kautusan.

Nagkakahalaga ng P1,500 ang multa sa unang paglabag, P2,000 sa ikalawang paglabag, at P2,500 o anim na buwang pagkakakulong sa mga susunod na paglabag.

Layunin daw ng kautusan na bawasan ang nalilikom na basura na dinadala sa isla. -- FRJ, GMA News