Napamura ang mga awtoridad nang malaman kung saan natatago ang isang dating barangay tanod na sangkot umano ng droga na biglang mawala nang sinalakay nila ang bahay nito sa Parañaque City.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay sa barangay Don Bosco sa nabanggit na lungsod nitong Huwebes ng gabi na pinadarausan daw ng shabu session.

Pero hindi nila makita ang isa sa mga pakay nilang drug suspect nang bigla itong mawala.

Suko na sana ang mga pulis sa paghahanap nang bigla nilang makita ang pakay na nakasiksik sa pader.

"Heto pala eh... Pu....., labas diyan," utos ng awtoridad sa nadakip na dating tanod na si Richard Herrera.

Nadakip din ang kasama nitong si Gilbert Salazar, at tatlong iba pa na gumagamit umano ng droga.

Aminado ang mga suspek na gumagamit sila ng droga pero 'di raw sila nahuling bumabatak nang sumalakay ang mga pulis.

Ayon kay Herrera, tumigil na siya sa kaniyang bisyo nang magkaroon ng "tokhang" at nakikiporsiyento na lang sa mga taong nais gumamit ng droga sa kaniyang bahay.

Nakumpiska ng mga awtoridad sa mga inaaresto ang 20 sachet na may laman na hinihinalang shabu, ilang drug paraphernalia, timbangan at mga patalim.

May nakuha ring mga cellphone sa bahay ni Herrera na ipinapalit daw sa droga. -- FRJ, GMA News