Sa paglikas ng mga residente sa Marawi City para hindi maipit sa bakbakan ng mga sundalo at terorista, ilang alagang mga hayop ang naiwan at pakalat-kalat ngayon sa lungsod at nagugutom.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing ilang inabandonang mga alagang hayop gaya ng mga aso, mga pusa, mga kalapati at iba pa ang makikitang pagala-gala sa daan.

Sa isang kalye sa barangay Mapandi, may isang grupo ng mga aso ang tila hari ng daan.

At marahil dahil umano sa gutom, hinabol at pinag-agawan ng mga aso ang isang kawawang kuting.

Nilubayan lang nila ang pusa nang sawayin ng crew ng GMA News.  Pero sa tindi ng sugat na tinamo, nanghina ito at kinalaunan ay namatay din ang kuting.

Kung minsan, binibigyan umano ng pagkain ng mga sundalo at media ang mga hayop na makikitang pakalat- kalat sa kalye.

Gaya ng isang kuting na matapos pakainin ng GMA News team ay hindi na umalis at doon na sa kanilang tabi natutulog.

Matapos i-post sa social media ang mga larawang sa kalagayan ng mga hayop,  marami ang naawa at nagtanong kung paano sila makatutulong sa mga inabandonang hayop.

Ang ilan, nagpahayag ng intensyon na mamigay ng pagkain sa checkpoint ng mga sundalo. Pero malaking problema ang patuloy na operasyon ng militar sa lungsod.

Kaya ang mga alagang hayop, patuloy na naghihintay sa pagbalik ng kani-kanilang amo gaya ng isang aso na laging nakikita tuwing hapon sa tapat ng kanilang bahay. -- FRJ, GMA News