Bumaba ang halaga ng mga cash remittance o perang padala ng mga overseas Filipino worker nitong Abril. Ang isa sa mga itinuturong dahilan, ang pag-uwi ng maraming migranteng manggagawa mula sa Saudi Arabia.

Sa ulat ni Jam Sisante sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nasa $2.083 bilyong ang cash remittances ng mga OFW sa Pilipinas na dumaan sa mga ng bangko nitong nakaraang Abril.

Base sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP,  ito ang pinakamababang halaga ng OFW cash remittances mula noong Enero 2016 na hindi umabot ng $2 bilyon.

Ayon sa BSP, isang dahilan ng pagbaba ng cash remittances nitong Abril mula sa record-high na $2.615 bilyong noong Marso, ay ang pagbaba ng padalang pera mula sa Saudi Arabia, Singapore, Australia, at United Kingdom.

Nitong nakaraang mga buwan maraming OFWs mula Saudi Arabia ang umuwi sa Pilipinas dahil sa amnesty program na nagsimula noong katapusan ng Marso.

Ngayon lang Lunes, 110 na OFWs mula Riyadh ang dumating sa Pilipinas.

Dagdag pa ng BSP, isa pang posibleng dahilan ng mas mababang cash remittances noong Abril ang mas mababang halaga ng salapi sa mga nabanggit na bansa laban sa US dollar.

Isa pa umanong posibleng dahilan ang mas kakaunting banking days nitong Abril.

Sa kabila ng mas mababang cash remittances nitong Abril, tumaas pa rin umano ng apat na porsiyento ang kabuuang cash remittances ng mga OFW mula Enero hanggang Abril 2017, kumpara sa kaparehong panahon ng taong 2016. -- FRJ, GMA News