Humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes sa mga Maranao sa Marawi City dahil sa dinaranas nilang sitwasyon ngayon dulot ng sagupaan ng tropa ng gobyerno at ng Maute terrorist group, at sa pagdeklara na rin niya ng martial law sa Mindanao.

"Hindi pa naman natapos ang Ramadan, I would like to say to the Maranao people that I am very, very, very sorry na nangyari ito sa atin. Sana kung madaling panahon you will find a new heart to forgive my soldiers, ang gobyerno, pati ako for declaring martial law," sinabi ni Duterte sa kanyang pagbisita sa National School of Fisheries sa Iligan City.

“Wala akong choice eh. Sinisira na ang Marawi. I have to drive them (Maute group) out. But I am very sorry. Pakiabot na lang doon sa mga kapatid nating mga Maranao na ang aking paghihinanakit rin sa nangyari na ito. Patawarin ninyo po kami,” dagdag pa ng presidente.

Ipinangako ni Duterte na tutulungan niyang maibangon muli ang Marawi City, kasama ang mga residente na napaalis sa lugar nang dahil sa kaguluhan.

"Tutulungan ko kayo. Huwag kayong mag-alala. Tutulungan ko kayo hanggang relocation. And then, we will rehabilitate ang Marawi. Gaganda iyon ulit,” anang pangulo.

Ngunit kinastigo naman ni Duterte ang ilang Maranao na hinayaang maimpluwensyahan ng international terrorist group ISIS ang Maute group at ang mga tumatangkilik dito, na siyang ikinasira ng Marawi City.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News