Himalang nakaligtas ang isang Pinay overseas worker na nabundol nang humaharurot na kotse habang naghihintay naman na makasakay sa kotse ng kaniyang amo sa Iraqi Kurdistan.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, ipinakita ang video footage na kuha nang mahagip ng sasakyan ang Pinay na nakilalang si Susan Puso, sa Erbil, Iraqi Kurdistan.

Hawak noon ni Puso ang mga pinamili at papasakay na sa nakaparadang kotse ng amo nang bigla siyang mabundol at tumilapon sa lakas ng pagkakabangga.

Nalaman ang pagkakakilanlan kay Puso sa tulong ng Filipino community sa Erbil.

Nakaligtas si Puso at kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Iraq.

Sa pamamagitan ng video chat, ikuwento ni Puso na katatapos lang nilang mag-grocery ng kanyang amo nang mangyari ang aksidente.

Hinihintay daw niyang mabuksan ang de-remote control na kotse ng kanyang amo nang mahagip siya ng isang sasakyan.

"Impossible talaga na buhay pa ako sa nakita kong video. Lahat-lahat sabi ko thanks to God talaga na binigyan pa niya ako ng second life," pahayag niya.

Sa ngayon, nakakakilos na si Puso at pero hirap pa siyang makalakad.

"Hindi pa ako makalakad sa ngayon ayaw ng boss ko na lumabas ako ng ospital hangga't hindi pa ako makalakad," dagdag niya.

Limang araw daw na nakulong ang nakabanggang driver kay Puso pero pinalaya rin kalaunan.

Nangako naman ang embahada ng Pilipinas sa Baghdad na tutulungan si Puso.

Nagpaabot din ng mensahe si Puso sa kaniyang pamilya sa Pilipinas na huwag mag-alala dahil hindi siya pinababayaan ng kaniyang amo.

"Yung nanay ko po na mahal na mahal ko, yung kapatid ko po na pinapag-aral ko, sana matapos na po siya, ok po yung pag-aaral niya. I love you all," ayon kay Puso. -- FRJ, GMA News