Kalunos-lunos ang sinapit ng isang rider ng electric bike o e-bike nang maaksidente ito at matusok sa bakal na bakod sa plaza sa Binondo, Maynila ang kaniyang kaliwang mata. Ang biktima, walang suot na helmet nang mangyari ang sakuna.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang nasawi na si Emelita Vergara, ng barangay 287, Zone 27 sa Binondo.

(BABALA, SENSITIBO ANG VIDEO)

Bago ang aksidente, nakunan ng CCTV camera ng barangay si Vergara na sakay ng e-bike at walang suot na helmet nang dumaan siya sa Reina Regente dakong 6:54 ng umaga.

Nakunan din siya ng CCTV camera ng barangay bandang 6:55 ng umaga na palapit na sa San Lorenzo Ruiz Plaza. 

Ngunit sa susunod na mga kuha ng CCTV, kapanisn-pansin na ang pagkakagulo ng mga tao dahil dahil naaksidente na pala ang biktima at natusok na sa bakod na bakal sa nasa ibabang bahagi kung saan napuwesto ang CCTV camera.

Ayon sa volunteer fireman na rumesponde sa sakuna, buhay pa ang biktima nang dinala sa ospital.

Gayunman, binawian ng buhay si Vergara dakong tanghali sa ospital, ayon sa Manila Police District Station 11.

May mga impormasyon na nagsasabing posibleng inatake ng epilepsy ang biktima dahil nakita raw itong nangingisay.

Kinumpirma naman sad ng isang kaanak ng biktima na may epilepsy nga ito sa isang text message pero matagal na raw na hindi inaatake.

Pero ayon kay Chief Inspector Elmer Gutierrez, hepe ng investigation section ng MPD Station 11, may nakausap ding kaanak ang imbestigador sa ospital na nagsabing walang epilepsy si Vergara.

Samantala, pinuna naman ng ilang saksi na takaw-aksidente ang steel fence sa plaza dahil sa alanganing disenyo at taas nito.

Pahayag ni Bonifacio Santisidad, Executive Officer ng Barangay 287 Zone 27, "Dapat lagpas tao na lang, hindi na nila ibinaba. Ibinaba nila kaya takaw-disgrasya rin."

Ayon naman sa head of engineering ng City of Manila, bagaman hindi niya nakita ang nangyaring aksidente, naniniwala siyang wala sa steel fence ang problema at posible raw may pagkakamali ang motorista.

Bagaman itinatakda sa Republic Act No. 10054, ang pagsusuot ng helmet ng mga rider ng motorsiklo, hindi naman nakasaad dito ang mga rider ng e-bike.

Mayroon ding Administrative Order ang Land Transportation Office na nagtatakda ng pagsusuot ng helmet sa mga motorsiklo at scooter, pero hindi binabanggit ang e-bikes.

Naniniwala ang mga awtoridad na dapat pagsuotin din sila ng mga safety gear.

"Kung mayroon siyang helmet, 'yung tama niya dito, hindi siya matutusok," pahayag pa ni Santisidad. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News