Hindi inakala ng 90-anyos na tiyahin ni Robin Padilla na si Pilar Padilla-Brooks na pagnanakawan siya ng kasambahay na si Jennifer Palomo na ilang taon na niyang kasama.

"Ahas ang tingin ko sa kanya. Wala pa akong nakilalang babaeng kasing-walanghiya n'yan," anang biktima.

"'Yang babaeng 'yan. Napakawalang hiya mo Jennifer, kumakain ka kasabay. Pati pagkain ko kinakain niya," hinanakit pa nito.

Sa ulat ni Joseph Morong sa '24 Oras' nitong Biyernes, sinabing maliit pa lang ay kilala na ni Brooks si Palomo, na anak ng dating niyang kasambahay.

"I'm living with thieves and criminals. I'm alone in my house with all these people," sabi ni Brooks.

Pabalik ng Pilipinas galing Amerika si Brooks noong June 27 nang magkaroon umano ng nakawan sa kanyang bahay.

Inireport ito sa pulisya ng dalawang kasambahay ni Brooks na sina Paloma, Lony Espenilla, at 15-anyos na itinago sa pangalang 'Joy.'

Isinumbong nila sa pulis na pinasok daw sila ng dalawang suspek, ngunit iba ang nadiskubre ng mga pulis sa CCTV ng katapat na bahay ni Brooks.

Makikitang isang lalaki lang at hindi dalawa, na iba sa isinalaysay ng dalawang kasambahay.

Kinilala ang suspek na lalaki na si Paul Michael Restoso.

"'Yun ang basehan ng ating imbestigador, they got the sworn statement para sabihin ang kanilang kasinungalingan, and then ipakita itong physical evidence. Na-realize nila na wala silang pupuntahan kundi magsabi nang totoo," sabi ni Police Chief Supt Guillermo Eleazar, QCPD District Director.

Umamin sa kasalanan si Palomo sa imbestigasyon.

"Nasira ang tiwala at handa po akong pagdusahan po," pahayag niya.

Nadiskubre pa ang ibang krimen ni Palomo at ibang katiwala.

Halos masaid ang P2 milyon na ipon ni Brooks dahil pinagwi-withdraw na raw ito ni Palomo.

Nailipat na rin sa pangalan ni Palomo ang mga lupa ni Brooks.

Nadiskubre pa na pinepeke na rin daw ni Palomo ang pirma ni Brooks.

"Dapat makulong talaga siya," pahayag pa nito.

Nahaharap sina Palomo sa reklamong qualified theft at robbery. —Jamil Joseph Santos/NB/FRJ, GMA News