Sa katapusan ng Hulyo, hindi na kakailanganin ng mga overseas Filipino worker (OFW) na kumuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) bago sila bumiyahe, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Sa halip, sinabi ni Bello sa bibigyan na lamang ng OFW ID ang mga migranteng manggagawa.

"By the end of this month, mai-implement na yung programa ng DOLE na I-DOLE, identification card ng DOLE o ng Department of Labor and Employment," paliwanag ni Bello sa video post sa Facebook kaugnay ng panayam ni Presidential Communications Office Assistant Secretary Mocha Uson nitong Lunes.

"Pag mayroon na kayo n'un, 'yon na ang substitute ng OEC. Hindi niyo na kailangan mag-apply pa ng OEC," dagdag ni Bello.

Ang OEC ay isa sa mga kailangan ng mga aalis na OFW para sa pagpunta nila sa pagtatrabahuhang bansa.

Maraming OFW ang naniniwala na hindi nila kailangan ang OEC at pinagkakakitaan lang umano ng gobyerno.

Sinabi ni Bello na maaaring makuha ang OFW ID sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

"Lahat ng mga OFW bibigyan namin sila ng ID. Libre 'yan, walang cost to the Filipino migrant workers," paliwanag ng opisyal.

Idinagdag ni Bello ilulunsad nila ang I-DOLE program sa kalagitnaan ng Hulyo. — FRJ, GMA News