Nagbabala ang National Bureau for Investigation na maaaring makasuhan ang mga miyembro ng private Facebook group na sangkot sa pagpapakalat ng mga malalaswang larawan. Ang pahayag ay ginawa ng NBI nang hingan ng reaksyon tungkol sa private FB group pages na "Pastor" at "Pastor Hokage Bible Study."

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing bukod sa nagpo-post ng mga larawan at video ng mga babae —na maselan ang ilan at walang pahintulot ng may-ari, naglalagay ng mga mahahalay na komento ang mga miyembro at gumagamit pa ng mga salita sa bibliya gaya ng "amen," na indikasyon ng pagsang-ayon sa post.

"Pag-uusapan nila kung ano yung gusto nilang gawin sa babae, yung pinakamasama na pwede mong maisip sa isang babae sa ganoong konteksto. Sasabihin nila and it doesn't matter kung bata yung girl," paliwanag ni Koko Rodriguez,  ng grupong "Catcalled in the Philippines," na hindi natutuwa sa naturang uri ng FB group.

Dagdag pa niya sa paggamit ng grupo sa salitang "amen" bilang pagsang-ayon sa bastos na post, "In-appropriate na naman nila 'yung religious na term for their own perverted end... it's like 'we agree' or 'we're with you.'"

Para maging miyembro ng grupo, sinasabing kailangang munang mag-ambag ng larawan ang nais sumali.

Nitong nakaraang linggo, tinalakay ng Esquire Philippines  ang mga private group sa social media na tumatangkilik sa pornograpiya, at pinamagatan nila ang paksa ng "The Dark Side of Filipino Facebook."

Bagaman wala pa umanong natatanggap na reklamo ang NBI laban sa "Pastor Secret" pages, hinikayat nila ang mga nabiktima na maghain ng reklamo.

Maaari umanong sampahan ng paglabag sa child pornography at anti-voyeurism laws ang mga miyembro ng grupo na irereklamo.

"Well, minors plus child pornography, mabigat ang penalty diyan, plus ngayon kung babae naman nakahubad without their consent, puwede silang magreklamo for anti-photo and video voyeurism na violation," paliwanag ni NBI-Cybercrime chief Atty. Martini Cruz.

Samantala, inihayag naman ng Facebook Philippines, hindi nila pinapayagan ang nudity at sexual exploitation at kaagad daw nilang tinatanggal ito kapag nairereport sa kanila. -- FRJ, GMA News