Arestado ang driver at konduktor ng bus matapos silang makipagsuntukan sa ilang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na sumita sa kanila dahil sa pagbaba ng pasahero sa hindi tamang lugar sa EDSA sa bahagi ng Quezon City.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang mga inaresto na sina Eddie Magangcong at Kim Lester Padilla, ang driver at konduktor ng MMBC Bus Line.

Mismong si MMDA chairman Danny Lim pa umano ang nag-share sa kaniyang Facebook account ng video na makikita na tila nasa kondisyon ang katawan ng drayber na si Magangcong para makipagsuntukan kasama si Padilla.

Ayon kay Lim, sinita ng mga tauhan niya ang driver ng bus matapos magbaba ng pasahero sa kanto ng Edsa at P. Tuazon dakong 4:00 nitong Lunes.

Pero paliwanag ng dalawa, nagbaba sila ng pasahero dahil nakiusap ang isang senior citizen na may kasama pa raw na mga bata.

Gayunman, hindi raw sila pinagbigyan ng MMDA constable hanggang sa mauwi ang paninita sa suntukan.

Sa kabila ng paliwanag nina Magangcong at Padilla, humingi sila ng paumanhin sa pinalagan nilang mga MMDA enforcer.

Ngunit ayon kay Lim, ipatatawag pa rin niya ang dalawa at pag-aaralan kung anong reklamo ang isasampa laban sa kanila. -- FRJ, GMA News