Patay sa sakal ang isang lalaki nang lumaban ang kaniyang kinakasama na nagdilim umano ang paningin dahil sa ginagawang pananakit sa kaniya ng biktima sa Pasig City.

Sa ulat ni Oscar Oida sa "24 Oras," sinabing sumuko sa tanggapan ng Pasig Police nitong Huwebes ang 38-anyos na suspek na si Margarette Mabalo, makaraang mapatay ang kinakasama na si Michael Apolinario, 27-anyos.

Ayon kay Mabalo, nagdilim ang kaniyang paningin nang bugbugin na naman daw siya ni Apolinario nitong Martes ng gabi.

"Sinusuntok niya ako nang sinusuntok," saad ni Mabalo habang umiiyak.

"'Di ko na na-control, nakita ko yung electric fan, binato ko sa kanya, tapos nahawakan ko po 'yung cord, naikot ko po sa leeg niya."

Sa limang taon daw nilang pagsasama, sinabi ng suspek na hindi na niya mabilang ang pagkakataong sinaktan siya ng ka-live in na ang kadalasan umanong dahilan ay pera.

"Lagi po niya ako binubugbog tapos 'di niya ako binibigyan ng pera 'pag sumasahod. Tapos siya pa galit 'pag dating niya na wala siyang kakainin," lahad ng suspek.

Pero sa kabila nito, hindi magawang iwan ni Mabalo ang kinakasama, na ama ng dalawa niyang anak.

"Mahal na mahal kita. Patawarin mo ako," ayon sa ginang.

Napag-alaman na naitakbo pa ng mga kapitbahay ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay.

Payo naman ng pulisya sa mga nakararanas ng pananakit at pang-aabuso, dumulog sa tanggapan ng mga awtoridad para kaagad na nalutas ang problema.

Ang mga kaanak ng biktima, nanawagan ng hustisya.

"Kailangan lang po namin malaman kung ano talaga nangyari," ayon kay Ivy Apolinar, pinsan ng biktima. -- FRJ, GMA News