Walang kalaban-laban na pinaslang ang isang punong barangay sa Teresa, Rizal na binaril mula sa likuran ng riding in tandem sa harapan mismo ng material recovery facility ng barangay. Ang gunman, hindi nagtakip ng mukha nang isagawa ang krimen.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing bumuo na ng grupo ang Teresa Rizal Police na magsisiyasat para resolbahin ang pagpatay kay Chairman Arvin Dexter Zapanta, ng barangay San Gabriel.

Naglalakad ang biktima papunta sa material recovery facility nang sumulpot ang mga salarin mula sa likuran sakay ng motorsiklo at dalawang beses na binaril ang kapitan na sanhi ng kaniyang kamatayan.

Sa kuha ng closed-circuit-television camera, makikita ang mukha ng gunman na nakaangkas sa motorsiklo dahil wala itong suot na helmet at walang takip sa mukha.

Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin at pati na ang motibo sa krimen.

Nanawagan ngayon ang pulisya sa publiko na makipagtulungan sa kanila kung may nalalaman na impormasyon upang maresolba kaagad ang kaso. -- FRJ, GMA News