Matapos magtala ang Abril na pinakamababang personal remittances sa taong 2017, nakabawi naman ito at lumaki nitong nakaraang Mayo, ayon sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Lunes.

Lumitaw na datos na umabot sa $2.588 bilyon ang padalang pera ng mga overseas Filipino nitong Mayo, mas mataas ng 7.1 porsiyento sa $2.317 bilyon na naipadala nila nitong Abril.

Ang padalang pera nitong nagdaang Mayo ay mas malaki rin umano kumpara sa $2.416 bilyon na naitala noong Mayo 2016.

Pinaniniwalaang bumaba ang remittance noong Abril dahil sa pagbaba ng padalang pera ng mga Pinoy abroad sa nasa Saudi Arabia, Singapore, Australia at United Kingdom.

"Personal remittances from land-based workers with work contracts of one year or more grew by 5.9 percent to compensate for the 0.6 percent decline in remittances from sea-based and land-based workers with work contracts of less than one year on the same period a year ago," ayon sa BSP.

Mula sa padalang pera nitong Mayo, umaabot na sa $12.613 bilyon ang remittances sa unang limang buwan ng taon.

Ang 80 porsiyento umano ng remittances ay mula sa United States, Saudi Arabia, United Arab Emirates (UAE), Singapore, Japan, United Kingdom, Qatar, Kuwait, Canada at Germany. — FRJ, GMA News