Kahit marami ang CCTV camera sa loob ng tanggapan ng Bureau of Customs, tila hindi natinag ang tatlo nitong kawani na patuloy umano sa pagtanggap ng lagay para sa mabilis na pagproseso ng dokumento. Ang kanilang 'di kaiga-igayang gawain mula sa simpleng abutan hanggang pagbibilang umano ng pera pagkatapos ng opisina, nahuli-cam.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, sinabing huling-huli sa CCTV camera ang pagkuha umano ng tatlong tauhan ng ahensiya ng "padulas" mula sa mga tagalakad ng papel ng ilang broker para mas mabilis na paglabas sa pantalan ng mga shipment o kargamento.

Ayon kay Ferdinand Cacas, OIC ng CCTV Monitoring ng BOC,  apat na buwan nilang sinubaybayan ang tatlo kaya bistado ang istilo ng tatlo at maging ng kanilang mga parokyano.

Kapag wala raw padulas, karaniwan nauupuan ang mga papeles.

"Naging kalakaran na nung tatlong personality na ito at nagiging obligasyon na ang magbigay ng padulas para mas mabilis ang proseso ng papel nila," ani Cacas.

Ilan sa nakunan ng video ang isang lalaki na nagbibilang ng pera sa labas ng opisina ng tatlong taga-BOC at i-istapler ang pera sa hawak niyang  dokumento.

Sunod nito ay papasok ang lalaki sa loob ng opisina at ilalapag ang mga dokumento sa isang bakanteng lamesa at muling lalabas.

Maya-maya pa, papasok naman ang tauhang nakapuwesto sa lamesa at kasunod niya ang lalaking nag-iwan ng dokumento, at pipirmahan na ang iniwan papel ng lalaki.

Nakita naman sa isa pang kuha na may inilagay na bagay ang isang tauhan ng BOC sa kaniyang drawer na pasimple niyang kinuha sa ilalim ng bungkos ng mga papel na iniaabot ng isang babae.

May kuha rin sa CCTV na makikita ang isa pang tauhan ng BOC na may mga binibilang na pera bago magsara ang opisina.

Iniimbestihan na umano ngayon ng BOC ang tatlong tauhan na nakunan sa CCTV.

Ayon kay Deputy Commissioner Gerardo Gambala, head, Command center, paparusahan ang tatlo kapag napatunayan may ginawang katiwalian.

Sa kabila ng nakitang modus ng tatlong tauhan ng BOC, mayroon din umanong magagandang ginagawa ang mga empleyado ng ahensiya na nakukunan din sa CCTV.

"Dito napapatunayan na mayroon din tayong mga empleyado na gumagawa nang mabuti. Ang problema lang nadadamay sila sa mga hindi gumagawa ng mabuti," ayon kay Gambala.

Gayunman, sinabi sa ulat na batay sa mga source ng GMA New,  bihira na rin ang abutan sa loob ng mga opisina dahil sa mga CCTV at sa labas na ng tanggapan nangyayari ang bigayan ng padulas. -- FRJ, GMA News