Kayang bigyan ng panibagong silbi at buhay ng isang talentadong lalaki na gumagawa ng mga "upcycling" product ang mga basyo ng bote at mga scrap metal na sa basurahan o junkshop na sana ang punta.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA news "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing dalawang taon na si Ian Sarra sa upcycling o paglikha ng bago at mas kapaki-pakinabang na bagay mula sa mga lumang gamit na kaniyang nakukuha.

Kaya naman ang bawat sulok ng kaniyang tahanan, siksik ng mga obra mula sa mga lumang parte ng sasakyan, mga tubo at bote ng alak.

Ang una raw na natutunan niyang gawin ay ang upcycled lamps.

Ang mga tubo at bote, pinagsasama-sama niya at nilalagyan ng korte o disenyo.  At para maging tipid sa konsumo ng koryente, LED lights ang kaniyang ginagamit.

Pagbibida ni Sarra, espesyal at hindi magkakatulad ang kaniyang mga nililikha.

Mula sa simpleng tubo, gumagamit na rin siya ng mga parte ng sasakyan, pati na ang isang galing sa nasirang bangka.

Ang suspension ng isang sasakyan na dating shock absorber, ginawa niyang sabitan ng mga gamit sa pagluluto.

Ang crankshaft naman na parte ng makina, ginawa naman niyang lamesa.

Dahil marami ang hanga sa kanyang mga likha, ngayon ay kumikita na si Sarra dahil sa upcycling.

Nabibili raw kaniyang mga obra mula P2,000 pataas.

Pero bukod sa kita, ang nagbibigay din daw ng saya kay Sarra sa paggawa ng upcycling products ang tulong na nagagawa niya para mabawasan ang basura na nakasasama sa kalikasan. -- FRJ, GMA News