Iba't ibang katanungan ang binigyan ng kasagutan sa nakaraang episode ng programang "Pinoy MD." Kabilang sa mga sinagot ng resident doctor ng programa ay ang tanong kung maaari bang uminom ng pain reliever ang buntis at kung masama bang magpamasahe ang may breast cancer.

Paliwanag ni resident OB-Gyne , Dr. Raul “Dr. Q.” Quillamor, tungkol sa pag-inom ng buntis ng pain reliever dahil masakit ang ngipin; "Pwede naman. Kasi may mga pain reliever na safe sa pregnancy tulad ng paracetamols."

"Pero ang advice ko kasi 'pag sumasakit ang ngipin natin, ibig sabihin may problema diyan. Baka may bulok o dental caries, ipatingin sa dentist. Kung kailangang bunutin, puwede magpabunot kahit pregnant, pero dapat may clearance sa obstetrician," dagdag niya.

Samantala, depende naman umano sa "stage" o kalagayan ng cancer kung puwede o hindi puwedeng magpamasahe ang pasyente.

"Depende 'yan kung anong stage ng breast cancer. Kasi kung ang breast cancer ay stage 3 o 4, ibig sabihin may metastasis o nakalabas na siya sa breast o nasa lymph node na," paliwanag ni Doc.

"Yung stage four, may distant metastasis na 'yan. Kapag nagpamasahe siya, baka naman very sensitive na 'yung parte ng bone na naapektuhan kung minsan friable na 'yan, hindi advisable na magpamasahe ng ganung stage."

May nagtanong din kung delikado ba sa babae na isang taon at tatlong buwan nang hindi nagkakaroon ng buwanang "dalaw."

Ayon kay Dr. Quillamo, magkakaiba ang dahilan sa adolescent, reproductive age at menopausal. Pero kung nasa reproductive age ang babae at kapapanganak lang at nagpapa-breast feed, maaaring madelay ang pagbabalik ng regla nito.

Pero sa mga hindi naman ganito ang sitwasyon, mas makabubuti umano na magpasuri na ang babae upang malaman ang tunay na dahilan ng hindi niya pagkakaroon ng buwanang dalaw nang matagal na panahon.

"Matagal ang one year and three months, matagal 'yon kasi dapat every month, pero depende 'yan kung anong dahilan. Pwedeng sa matris, ovarian, sa thyroid gland," aniya.

Panoorin ang buong talakayang pangkalusugan ng "Pinoy MD" at ang tugon ni Dr. Q sa tanong tungkol sa kung bakit madalas na minumuta ang isang bata at kung normal ba ang apat na beses na pagdumi kada araw.

Click here for more GMA Public Affairs videos:


-- FRJ, GMA News