Umamin umano sa krimen ang lalaking naaresto kaugnay sa pagpatay at pinanininiwalang panggagahasa pa sa 19-anyos na dating beauty pageant contestant sa Samal, Davao del Norte.

Sa ulat ng "Balita Pilipinas" ng GMA News TV nitong Biyernes, sinabing dalawa pang "persons of interest" ang iniimbestigahan kaugnay sa pagpatay kay Kimberly Autida, Community Development Student at naging kandidata ng Mutya ng Samal pageant noong nakaraang taon.

Ayon sa ulat,  umamin umano si Elvin Juna, 20-anyos, na ginahasa niya at pinatay ang biktima.

Naaresto si Juna matapos makita ang kaniyang jacket sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

May nakita rin umanong mga galos sa katawan ng suspek.

Una rito, nakitang nakahandusay sa putikan, nakagapos, at wala nang buhay ang si Autida.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, pinagsusuntok ang biktima sa puson kaya napinsala ang kaniyang atay at iba pang lamang-loob na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Kasalukuyang nakakulong na Samal Police station si Juna at nakatakdang sampahan ng kaukulang reklamo. -- FRJ/KVD, GMA News