Sa ikalawang State of the Nation (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, inihayag ng Malacanang na posibleng tumagal ang kaniyang talumpati ng mula 50 minuto hanggang sa isang oras at kalahati.

"The speech is written in English, which the President is comfortable with, and if read straight should take approximately 50 minutes; given there will be pauses for applause and the off-the-cuff remarks, the speech may take about an hour and thirty minutes," pahayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

"The President's State of the Nation will be rendered in broad strokes reviewing past achievements, stating the present situation, and announcing future prospects," patuloy ng opisyal.

Ayon naman kay House Deputy Secretary General Artemio Adasa, Jr., asahan na mas matagal ang talumpati ni Duterte sa Lunes kumpara sa kaniyang talumpati sa kaniyang unang SONA noong nakaraang taon.

Ito ay bunga na rin umano ng maraming usaping maaaring talakayin ng pangulo.

"Definitely, it will be focused on more or less three topics: prosperity for all," ayon kay Adasa sa hiwalay na pahayag.

"He will focus more on the economic successes during his term; law and order, which will delve on crime reduction and the success of the anti-illegal drug campaign; and peace, with reference to the ongoing negotiations with the Moro Islamic Liberation Front (MILF) and the submission of the Bangsamoro Basic Law (BBL) for his consideration, which is the end product of his negotiations by the peace panel," dagdag niya.

Pero kung ang nakadetineng senador na si Leila de Lima ang tatanungin, walang maipagmamalaki si Duterte sa kaniyang SONA sa Lunes.

"Ano naman kaya ang puwede niyang ipagmalaki sa SONA? Mga patayan? Mga kasinungalingan?" ayon kay De Lima nang makapanayam ng media noong Biyernes nang dumalo sa pagdinig sa kinakaharap na 'disobedience to summons' case sa Quezon City.

"Paalala po sa kanya, lampas lampas na po ang kanyang deadline ng 3-6 months 'yung droga nandiyan pa rin, bumalik na nga sa Bilibid," saad pa ni De Lima na kritiko ni Duterte. "Kasi hinayaan nilang mamayagpag 'yung mga drug convicts na 'yan. In exchange doon sa pagtestify nila sa akin."

Ang talumpati ni Duterte sa SONA noong 2016 ay tumagal ng mahigit isa't kalahating oras. Itinuturing ito na pinakamatagal na SONA na ginawa ng pangulo ng bansa.

Pero sa dami ng nangyayari sa bansa ngayon mula sa banta ng terorismo, lagay ng ekonomiya, pagbaba ng piso kontra dolyar, kampanya kontra-droga at kahirapan, pati na sa katiwalian at pangangalaga sa kalikasan, problema sa trapiko pati na sa mass transport system, at iba pa, ano ang sa tingin mong isyu ng bansa ang dapat mabanggit sana ng pangulo na dapat tutukan ng kaniyang administrasyon? – FRJ, GMA News