Isa na namang karumal-dumal na krimen ang naganap sa San Jose del Monte, Bulacan. Isang bangkay ng  babae na limang-taong-gulang ang natagpuang nakasilid sa sako at iniwan sa bakanteng lote nitong Sabado.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinabing may nakitang tali at strap ng bag sa leeg ng biktimang si Mariel Cruz.

Nakita ang bangkay ng biktima nang magtulungang ang mga residente na hanapin ito.

Suspek naman sa krimen ang isang 13-anyos na binatilyo na nakitang huling kasama ng bata bago ito natagpuang patay.

Sa kuha ng CCTV sa loob ng subdibisyon, nakita ang suspek na lumabas ng bahay dakong 2:46 pm, at sumusunod sa kaniya ang biktima.

Nakita rin na pumasok ang suspek sa bahay ng kaanak at nang lumabas ay wala na itong damit. Nakita rin siyang may hawak na sako at nakasalubong pa ang naghahanap na ina ng biktima.

May nakita umano ang mga awtoridad ng palatandaan ng anal penetration sa bata pero hihintayin pa ang resulta ng awtopsiya kung talagang hinalay ang biktima.

Nasa kostudiya na ng mga pulis ang suspek at ipapaubaya ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa pagiging menor de edad.

Sa kabila nito, umaasa ang mga magulang ng biktima na makakamit nila ang hustisya para sa kanilang anak.

Noong nakaarang buwan, limang miyembro ng isang pamilya ang minasaker sa isang subdibisyon sa San Jose del Monte. -- FRJ, GMA News