Umamin umano sa krimen ang 13-anyos na lalaki na suspek sa pagpatay at posibleng panghahalay pa sa limang-taong-gulang na babae sa San Jose del Monte, Bulacan. Paliwanag niya, nagawa niya ang krimen dahil napikon siya sa madalas daw na pang-aasar ng biktima.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kinunan ng pahayag sa himpilan ng pulisya ang minor de edad na suspek, at dito ay inamin umano sa ginawang pagpatay at paghalay sa biktimang si Mariel Cruz.

Habang kinukunan ng pahayag ang suspek, bumuhos naman ang galit ng tiyahin ng batang biktima at hinanakit ng mga magulang.

Sabado nang natagpuan ang bangkay ng bata na nakasilid sa sako at may cable wire at strap ng bag sa leeg.

Inaresto ang binatilyo matapos makita sa CCTV footage ng subdibisyon na siya ang huling kasama ng biktima. Nakunan din ang paglabas niya ng bahay na dalang sako.

Sa paunang pagsusuri sa bangkay ng bata, sinabi ng pulisya na asphyxia dulot ng sakal ang ikinamatay ng bata. May nakita ring palatandaan ng anal penetration sa biktima.

Matapos na makunan ng pahayag, dinala sa piskalya ang binatilyo para sa isasampang reklamo.

Hindi humarap sa camera ang suspek pero idinahilan daw nito na nagawa niya ang krimen dahil napikon siya sa madalas na pang-aasar sa kaniya ng biktima.

Ang ama ng binatilyo, humihingi ng patawad sa nagawa ng kaniyang anak.

Gayunman, matapos ang pag-inquest sa piskalya, dadalhin ang suspek sa San Jose del Monte City Social Welfare and Development para doon i-turn over dahil sa kaniyang pagiging minor de edad.

Ngunit dahil wala umano holding center o shelter sa city social welfare office, posible raw na pauwiin at ibalik muna sa kaniyang mga magulang ang pangangalaga rito habang wala pang pinal na desisyon ang piskalya kung kaninong kostudiya siya tuluyang mapupunta, ayon sa report. -- FRJ, GMA News