Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Zamboanga City Port ang halos P9 milyong cash na dala ng isang negosyante na mula sa Jolo, Sulu at patungo sanang Malaysia.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nakita ang mga pera na dala ni Isnaji Sadjail Dakulah na nakasilid sa isang malaking karton nang dumaan sa x-ray machine.

Dahil napansin ng  operator x-ray machine ang kakaibang laman ng kahon, dalawang beses itong ipinadaan sa makina.

Nang makumpirma na mga pera ang laman ng kahon, kaagad na tumawag ng pulis ang operator.

Ayon sa batas, hanggang P50,000 lang ang maaaring bitbitin ng isang mangingibang-bansa.

Depensa naman ni Sadjail, ipambibili niya ang pera ng mga noodles at iba pang produkto.

Posible maharap si Sadjail sa kasong paglabag sa Anti-Money Laundering Act. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News