Matapos ang halos dalawang buwan, naiuwi sa kaniyang bayan sa Pangasinan ang mga labi ng Pinay overseas Filipino worker na pumanaw sa Saudi Arabia dahil sa karamdaman. Pero ikinagulat ng pamilya ng OFW na nawawala ang internal organs ng kanilang mahal sa buhay.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkuels, sinabing pumanaw si Brenda Laluan Manipon, 34-anyos, noong Mayo dahil sa brain tumor sa Dammam.

Nitong Linggo, naiuwi na sa Pozorrubio sa Pangasinan ang labi ni Manipon pero ikinagulat ng mga kaanak nang madiskubre na wala na itong internal organs.

Ayon sa kaanak, hindi sila pinayagan na mabuksan ang pinaglalagyan ng anak nang dumating ito sa airport.

"Masama ang loob namin kung bakit ganoon ang nangyari," ayon sa kaanak.

Inilapit na sa OFW Desk sa provincial government ng Pangasinan ang reklamo ng pamilya at nangako silang aalamin ang problema at tutulungan ang pamilya ng OFW. -- FRJ, GMA News