Kalaboso ang isang 18-anyos na lalaki matapos na maaktuhan umano ng lolo na nakikipagtalik sa 13-anyos niyang apo sa kanilang bahay sa Pagadian City. Nagkakilala at nagkaroon umano ng relasyon sa pamamagitan ng Facebook.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabi ng lolo na umuwi siya sa kanilang bahay noong Sabado galing sa kaibigan at doon niya nakita si Leopoldo Montilla, ng Tigbao, Zamboanga del Sur, na kasiping ang kaniyang dalagitang apo.

Nagtangka pa raw tumakas ang binata pero naharang din ito ng mga kapitbahay at naaresto ng mga pulis.

Nagkakilala raw ang dalawa sa Facebook at nagkaroon ng relasyon.

Pero giit ng lolo, menor de edad ang kaniyang apo at inabuso umano ni Montilla ang kahinaan ng dalagita.

Hindi naman itinanggi ni Montilla na may nangyari sa kanila ng dalagita pero iginiit niya na may relasyon sila at kagustuhan din iyon ng babae.

"Kung hindi siya pumatol, hindi ko rin siya pipilitin," anang lalaki.

Dahil menor de edad ang babae, nahaharap si Montilla sa reklamong child abuse. -- FRJ/KVD, GMA News