Hindi inakala ng isang guro sa Dagupan City, Pangasinan na may kumuha at nag-post sa Facebook at nag-viral pa ang larawan niya habang pasan ang kaniyang mga estudyante para maitawid sa baha.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing umani ng paghanga sa netizens ang ginawa ng grade one teacher na si Leonora Fernandez ng West Central One Elementary School sa lungsod ng Dagupan.

Kuwento ni Fernandez, sadyang ginagawa niya na pasanin ang mga estudyante niya para maitawid sa binabahang bahagi ng paaralan.

"Yung mga ibang bata na walang bota talagang binuhat ko para maihatid doon sa kanilang magulang. Kasi mahirap mag-ano sa tubig-baha," kuwento niya.

Sinabi ng guro na 21 ang kaniyang mag-aaral sa grade one, at nasa 16 ang isa-isa niyang binubuhat tuwing binabaha ang bahagi ng paaralan.

"Yung ibang bata nakasapatos kaya hindi sila puwedeng lumusong sa baha," paliwanag ni Fernandez.

Proud din kay Fernandez ang kaniyang mga kasamahan sa paaralan dahil nagsisilbi raw itong inspirasyon hindi lang sa mga guro kung hindi maging sa mga mag-aaral para magsumikap sa pag-aaral.

Ayon sa principal ng paaralan na si Valentina Hortaleza, sadyang nagpapahalaga ang mga guro sa kanilang mga mag-aaral.

'Maraming mga teacher na mga affected doon na talagang yung concerned din nila sa mga pupils nila na maiwasang lumusong. So hanggat kaya nila kagaya nang nakita na pinost sa FB, lagi namang ginagawa 'yon meron o walang nakakakita sa kaniya," ayon pahayag ni Hortaleza. -- FRJ/KVD, GMA News