Nakatanggap umano ng pagbabanta ang ina ng 13-anyos na babae na sinasabing ibinugaw ng menor de edad niyang kaibigan sa isang dating parish priest ng Taytay, Rizal.

Sa ulat ng "Balita Pilipinas" sa GMA News TV nitong Martes, sinabi umano ng ina na may tumawag sa kaniya na isang nagpakilalang "major," at pinauurong sa kaniya ang kaso laban kay Monsignor Arnel Lagarejos.

Gayunman, desido umano ang ina ng dalagita na ituloy ang kaso dahil nasira na ang kinabukasan ng kaniyang anak.

Naaresto si Lagarejos sa isang entrapment operation noong Biyernes matapos makipag transaksyon sa isang menor de edad na bugaw.

READ: Menor de edad na ibinugaw umano sa pari,  unang nahuli dahil sa paglabag sa curfew

Tinanggal na si Lagarejos ng Catholic Bishops Conference of the Philippines bilang parish priest ng Saint John the Baptist Church sa Taytay, Rizal, at bilang presidente ng Cainta Catholic College.

Isinailalim sa inquest proceeding si Lagarejos at nahaharap siya sa reklamong paglabag sa Anti Trafficking in Persons Act. -- FRJ/KVD, GMA News