Binugbog at inaresto ang isang lalaki matapos umano niyang kuryentihin at hampasin ng kaldero ang kinakasamang overseas Filipino worker na nais nang makipaghiwalay sa kaniya sa Bangued, Abra.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing gumamit ng isang binalatang extension wire ang lalaki sa pagkuryente sa tiyan ng biktima.

Matapos nito, pinukpok pa din umano ng lasing na suspek ng kaldero ang ulo ng biktima at sinabunutan.

Nang makahingi ng tulong sa kaniyang mga kaanak ang biktima, bugbog ang inabot ng lalaki.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Bangued Municipal Police Station at sasampahan ng reklamong paglabag sa Violence Against Women and their Children Act.

Napag-alaman na nasa bansa ang biktima para magbakasyon lamang.

Mayroon silang limang anak at babalik na sa Hong Kong ang babae sa Huwebes para ipagpatuloy ang pagtatrabaho. -- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News