Narekober ng Manila International Airport Authority ang ninakaw na mga alahas ng asawa ng Turkish foreign minister na bumisita sa bansa, ayon sa isang opisyal.

Sa ulat ng "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ni MIAA general manager Ed Monreal na natagpuan ang mga alahas sa locker ng apat na baggage loader.

Ayon sa kanya, lumipad noong Sabado pabalik sa Turkey ang misis ng Turkish foreign minister lulan ng Turkish Airlines flight 20-17.

Doon na umano nadiskubreng nawala ang kaniyang mga alahas.

Agad namang inalerto ng airline ang mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) tungkol sa insidente.

Nagkasa ng surprise inspection sa locker rooms ng lahat ng baggage handlers ang mga awtoridad ng MIAA.

Nadiskubre ang jewelry box ng biktima sa locker ng apat na baggage loader.

Iniimbestigahan na ang nasabing mga loader sa ngayon. —LBG/KVD, GMA News.