Pumalag ang isang grupo ng migranteng manggagawa sa Hong Kong sa plano ng isang mambabatas na gumawa ng batas para pagbawalan ang mga kasambahay na gumamit ng aircon.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation" nitong Biyernes, sinabing isinusulong ng mambabatas na si Michael Lee, na magkaroon ng batas para kontrolin o kung hindi man ay tuluyang pagbawalan ang mga kasambahay na gumamit ng aircon sa kanilang pinagtatrabahuhan.

Nag-ugat daw ito sa isang Facebook post ng isang amo na naglabas ng sama ng loob sa kaniyang kasambahay sa paggamit ng aircon sa kanilang bahay.

Ngunit para kay Dolores Balladare ng Uni-Fil-Migrante, Hong Kong,  isa itong uri ng diskriminasyon sa mga kasambahay.

Maapektuhan umano ang kalusugan ng mga  kasambahay kung hindi maayos ang kalagayan sa kanilang pinagtatrabahuhan.

Sa ngayon, mayroon umanong halos 190,000 na Filipino na nagtatrabaho bilang mga domestic helper sa Hong Kong. 

Ilan din sa mga domestic helper sa Hong Kong ay galing sa Indonesia, Myanmar, at Bangladesh.

"Nakakagalit yung proposal na magkaroon ng rule sa employer at employee sa paggamit ng aircon sa bahay.  Tingin namin ito ay bahagi nung social exclusion, yung pag-exclude sa mga domestic helper, pag-isolate sa amin dito sa community ng Hong Kong para sa paggamit ng mga kagamitan sa bahay. Hindi kami pumapabor doon, its discriminatory sa amin," paliwanag ni Balladare. -- FRJ, GMA News