Sa kabila ng napaulat na avian flu outbreak sa Pampanga, hindi pa rin delikadong kumain ng manok basta maayos ang paghahanda nito at pagkakaluto, ayon sa Department of Health.

Masasabing safe kainin ang manok kung ito ay:

  • Niluto sa init na umabot na sa 70°C
  • Wala nang kulay rosas sa lahat ng parte

Ayon sa DOH, iwasang kumain ng hilaw pang karne ng manok na posibleng apektado ng avian flu.

"The consumption of raw meat and uncooked blood-based dishes is a high-risk practice and should be discouraged," ayon sa DOH.

Lalung hindi rin dapat kumain ng karne ng manok o ibang hayop na namatay sa sakit gaya ng avian flu.

Sinabi ng DOH na maaaring mahawa ng avian flu ang tao at may mga naitala nang mga ganitong kaso sa ibang bansa.

Gayunman hindi pa batid kung bakit kahit ang tao at lahat ng uri ng mammal ay nahahawa sa avian flu.

Nagbigay din ang DOH ng mga pamamamaraan kung paanong ligtas na ihanda ang karne upang maiwasan ang kontaminasyon.

  • Palaging paghiwalayin ang hilaw na karne sa mga ready-to-eat na pagkain
  • Magkaiba dapat ang sangkalang gamitin sa pagtatadtad ng hilaw na karne at ng ibang pagkain
  • Kapag humawak sa hilaw na karne, maghugas ng kamay bago humawak sa luto nang pagkain
  • Kapag luto na ang karne, huwag itong ibalik sa plato na pinaglagyan noong hilaw pa ito
  • Huwag gamitin ang hilaw o malasadong itlog sa paghahanda ng pagkain kung ito ay galing sa manok na posibleng kontaminado
  • Sa paghuhugas ng kamay, ugaliing gumamit ng sabon at tubig
  • Hugasang mabuti at i-disinfect ang mga pinagpatungan at mga ginamit sa paghahanda ng hilaw na karne

—ALG, GMA News