Tiklo ang dalawang estudyante na magkasintahan matapos madiskubre ng mga pulis ang mga tanim nilang marijuana sa kanilang inuupahang bahay sa Los Baños, Laguna.

Sa GMA News "Balitanghali" report ni Jamie Santos, nadakip ng mga awtoridad sina Joshua Gregorio at Dulce Amor Carcosia matapos isilbi ang search warrant sa kanilang bahay.

Sa loob ng upahang bahay, nadiskubre ng mga awtoridad ang mga nakatagong paso ng marijuana sa cabinet ng magkasintahan.

Bukod sa mga paso ng marijuana, may nadiskubre ring 20 marijuana seedling sa naturang apartment.

Ayon sa ulat, aminado si Gregorio na kanya ang mga halaman ng marijuana at nabili niya ito online.

Inamin din umano ng magnobyo na ang napapagbentahan nila ng marijuana ang siyang ipinambabayad nila sa upa sa bahay.

Aabot sa P50,000 halaga ng marijuana ang nakuha sa dalawang estudyante.

Hindi na bago ang pag-aalaga ng halaman ng marijuana sa loob ng bahay. —Jamil Santos/ALG, GMA News