Filtered By: Topstories
News

Koreano arestado matapos mangikil ng P3-M mula sa kapwa niya Koreano


Isang Korean national na nangingikil diumano ng mga kapwa niya Koreano ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawa nilang entrapment operation.

Ayon sa ulat ng GMA News "Balitanghali" ni John Consulta nitong Sabado, dinakip ng National Bureau of Investigation-Special Task Force (NBI-STF) ang Koreanong si Park Hyun Kee matapos niyang tanggapin mula sa kanila ang isang marked money.

Ayon sa salaysay ng biktima ni Park na Koreano rin, nanghingi raw ang grupo ng suspek ng P5 milyon sa kanya kapalit ng kasiguraduhang makakakuha ito ng temporary restraining order (TRO) mula sa isang korte ng Cebu kaugnay ng kasong kinahaharap nito.

Bagama't nakapagbigay na siya ng P3 milyon noong Hunyo 30, walang TRO na naibigay ang grupo.

"Mayroon siyang pinapakita sa isang video nandu'n sa malayo ang anak ng presidente natin. At pinapakita niya sa mga Koreano at pilit pinaniniwala na siya ay may impluwensiya sa temporary restraining order na na-file ng kumpanya," sabi ni Moises Tamayo, hepe ng NBI-STF.

Ikinasa ng NBI ang operasyon laban sa suspek nang manghingi ito ng karagdagang P500,000 para pangsuhol daw sa judge sa Cebu.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Park.

"Meron tayong obligasyon para i-report 'yan sa kanilang konsulado kung saan sasabihin natin sa kanila na isang Koreano [ang] nahuli base sa reklamo rin ng kapwa niya Koreano," anang hepe.

Nahaharap sa kasong large-scale estafa ang suspek. — MDM, GMA News

LOADING CONTENT