Iginiit ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na dapat sampahan ng kaso ang lahat ng barangay official na kasama sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga personalidad na sabit sa iligal na droga.

Ginawa ni Pimentel ang pahayag sa harap ng mga mungkahi na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabatang elections ngayong taon.

“Itong oras na makukuha natin by postponing the barangay elections, dapat kumilos ang Executive branch at kasuhan lahat ng mga barangay officials na nandoon sa drug list,” saad ni Pimentel sa panayam ng "News To Go" nitong Lunes.

“Tapos succession rules na lang. Kung si kapitan ang tinanggal natin because of involvement in drugs, si first kagawad ang aakyat bilang kapitan,” dagdag niya.

Ayon kay Pimentel, presidente ng ruling PDP-Laban, maraming opisyal ng barangay ang nasa drug list ni Duterte.

Una nang sinabi ni Duterte na 40 porsiyento ng punong barangay ang sangkot na iligal na droga.

Nabanggit din noon ng pangulo na mas gusto niyang italaga na lang ang mga punong barangay sa halip na magdaos ng halalan na gaganapin sa Oktubre.

Sa Kamara de Representantes, mayorya ng mga kongresista ang pabor na iurong sa  May 2018 ang barangay at SK elections.

Gayunman, wala pang malinaw na desisyon ang Senado kung papayag na ipagpaliban ang nabangging na eleksyon. -- FRJ, GMA News