Patay ang isang pulis nang barilin habang naghahatid ng anak sa paaralan sa Maynila nitong Martes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Police Officer 2 Mark Anthony PeƱano, na binaril ng mga hindi nakilalang salarin sa Ayala Avenue corner San Marcelino Street, malapit sa Technological University of the Philippines.

Sa ulat ng dzBB radio, sinabi ng anak ng biktima na inihatid siya ng kaniyang ama sa paaralan sakay ng motorsiklo nang mangyari ang pamamaril.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na suot pa ang helmet.

Hindi naman sinaktan ang kaniyang anak na angkas ng biktima nang barilin ito.

Natagpuan ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang may 10 basyo ng bala.

Makikita sa isang CCTV footage na nakasakay sa tatlong motorsiklo ang mga salarin.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News