Patay ang isang lalaki matapos siyang saksakin ng ama ng babaeng nililigawan niya sa Pasay City. Pero giit ng salarin, hindi niya pinagsisihan ang ginawa niya sa biktima.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing nagtamo ng saksak sa dibdib ang biktimang si Gillermo Abordo. Nadakip naman si Jaime Picaña, at narekober din ang patalim na sinasabing ginamit sa krimen.

Ayon kay Picaña, bukod sa tutol siya sa panliligaw umano ni Abordo sa kaniyang anak, bastos din umano ang biktima at ayaw ibalik ang kinuhang maliit na speaker na binabawi raw ng isa niyang anak.

Dakong 10 p.m. nitong Martes, pauwi na raw si Picaña mula sa inuman sa Meralco compound nang makasalubong niya si Abordo.

Sabi ni Picaña, binastos daw siya ng biktima at sinabihan na, "wala ka naman eh.' Sabi ko, hintayin mo ko."

Pagbalik ng suspek, dito na niya sinaksak ang biktima.

Nakatakbo pa umano ang biktima palabas ng eskinita at nakahingi ng tulong sa mga pulis.

Nadala pa siya sa sa ospital pero binawian din ng buhay doon.

Nadakip naman ang suspek matapos ituro ng ibang residente kung saan ito nagtatago, at nakita rin ang patalim na itinapon sa kanal.

Sa kabila ng ginawa, sinabi ng suspek na wala siyang pinagsisihan.

"Hindi ko ho pinagsisisihan, ang pinagsisisihan ko kawawa naman mga apo ko na sa akin umaasa," aniya.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Pasay Police station at nahaharap siya sa reklamong murder. -- FRJ/KVD/JST, GMA News