May mga bakanteng trabaho na naghihintay sa mga Pinoy sa iba't ibang bansa. Kabilang na rito ang factory machine operator sa Taiwan na may alok na sahod na P35,000.00 at may overtime pay.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing 64 na female factory machine operators ang kailangan ng Taiwan.

Ang mga interesado ay mayroon hanggang August 23 para direktang mag-apply sa Philippine Overseas Employment Administration.

Ang mga bakanteng trabaho ay bahagi umano ng government to government hiring program kaya mabilis ang proseso at walang placement fee na kakailanganin.

Maliban sa minimum na suweldo na P35,000, mayroon daw itong overtime pay, meal allowance at subsidized ang tirahan.

Ayon kay Jocelyn Sanchez, deputy administrator ng POEA, mga Pinoy ang talagang gusto ng kompanya dahil masipag, madaling matuto at masigasig.

Ang mga interesado ay maaaring magparehistro sa website ng POEA bilang unang hakbang ng aplikasyon at para makita na rin ang mga requirements.

Sa mga nurse na nais magtrabaho sa Germany, hintayin naman sa susunod na buwan ang pag-anunsyo ng POEA para sa government to government hiring ng mga nurse sa nabanggit na bansa.

JOB FAIR

Sa job fair naman na isinagawa sa Quezon City Hall nitong Biyernes, ilang trabaho rin sa abroad ang alok ng sumaling recruitment agency.

May naghahanap umano ng mga magsasaka, auto-mechanic at baker para sa Japan; mga housekeeper, cleaner at photographer para sa Dubai; fast food crew para sa Oman; domestic helpers para sa Kuwait at Jordan; at nurse para sa Amerika.

Makikita pa rin ang mga job opening sa loob at labas ng bansa sa mga public employment service office o PESO sa mga city hall o munisipyo.

Upang matiyak naman na lehitimo at lisensiyado ang recruitment agency, alamin kung nakalagay ang kanilang pangalan sa website ng POEA.

Paalala ng POEA, ugaliing iberipika muna ang aaplayang trabaho at agency para sigurado at hindi maloko. -- FRJ, GMA News