Inamin ni Northern Police District director Chief Superintendent Roberto Fajardo na wala sa kanilang drug watch list ang pangalan ng napaslang na 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos, pati na ang ama at tiyuhin nito. Gayunman, iginiit ng opisyal na kilala ang binatilyo sa lugar na siga, adik at pusher.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame nitong Lunes, sinabi ni Fajardo na mula sa pagiging drug runner ay nabago raw ang imahe ng binatilyo bilang mabait matapos na mahaluan ng pulitika ang pagkakapatay nito sa operasyon kontra-droga sa Caloocan noong nakaraang linggo.

"Sa area kilala siya, ang tawag nga sa kanya ng mga tao doon [ay] adik, pusher, ngayon napatay na siya mabait na siya. Lumalabas na sinasakyan na mabait na siya at santo na siya. Pero before that lumalabas na siga, adik, at pusher doon sa area,” ayon kay Fajardo.

"‘Yun ang sinasabi ng mga kapitbahay nila. Unfortunately, na-politicize na mabait na siya ngayon,” dagdag niya.

Una nang itinanggi ng pamilya ni Kian ang mga alegasyon laban sa binatilyo. Maging mga kaibigan at kaklase niya ay nanawagan ng hustiya.

Iginiit din ng pamilya ni Kian na handa silang sumailalim sa drug test matapos sabihin ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na mayroong mga impormasyon na sangkot din sa droga ang ama at tiyuhin nito.

Ayon kay Fajardo, mayroon silang impormasyon tungkol sa pagkakasangkot nina Kian, ama nito at tiyuhin sa anti-illegal drug operation bagaman wala sila sa watch list.

“Wala sa watch list but may intelligence information nga na nasa illegal drug operations sila. May mga intel information tayo na ginagamit na runner si Kian and may nag-identify sa kanya, runner (siya) ng drugs,” ayon sa pinuno ng NPD.

Isang "Neneng" umano ang nag-uutos kay Kian na magbenta ng droga.

Nang isagawa ang operasyon kung saan napatay si Kian, sinabing iba ang target ng mga pulis.

"Hindi si Kian ang target ng operation, iba ang target. Hindi rin ‘yung father and uncle,” ani Fajardo. “Hindi siya sakop ng operation, tumakbo lang siya. The mere fact na tumakbo siya, bakit tumakbo, ‘yun ang tinitingnan.”

Ayon sa mga naunang ulat, tumakbo umano si Kian at nagpaputok sa mga humahabol na pulis kaya gumanti ang mga awtoridad at napatay ang binatilyo.

Isang kalibre 45 na baril at dalawang sachet ng shabu ang nakita umano kay Kian.

Pero batay sa kuha sa CCTV camera, lumilitaw na hawak at nahuli ng mga pulis si Kian.

Sinabi rin ni Fajardo na itinuro si Kian ng isang lalaki na kanilang nadakip na katransaksyon umano ang binatilyo.

“Actually newly identified lang siya based doon sa intel and at the same time yung sa nahuli (naming ka-transaksyon niya).(Ang newly-identified) that’s either during the operation. 'Pag newly-identified ka, wala ka dati sa listahan, bigla lang nag-come up,” paliwanag ng opisyal.

Lumilitaw din umano sa impormasyon ng pulisya na 10 gramo ng droga ang ibinebenta umano ni Kian bawat araw.

“‘Yung nahuli na katransaksyon niya (ang nagsabi) kaya meron tayong nagpapatunay na siya ‘yung runner,” dagdag ni Farjordo patungkol sa nadakip umano na si Renato Loberas . -- FRJ/KVD, GMA News