Patay ang dating pinuno ng anti-illegal drugs units sa Mandaluyong at San Juan, at nadamay din ang kaniyang anak matapos silang tambangan habang sakay ng kotse sa Mandaluyong nitong Lunes ng madaling araw.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, kinilala ang mag-amang biktima na sina retired Police Chief Inspector Hoover Pascual, at ang anak niyang si Brian.

Ang nakatatandang Pascual umano ang nagmamaneho ng sasakyan at katabi niya passenger seat ang anak nang pagbabarilin sila ng mga nakatakas na salarin sa Barangay Hulo sa Mandaluyong.

Nakaligtas naman ang nobya ni Bryan na nakaupo sa likuran ng sasakayan.

Ayon sa mga testigo, isang van ang humarang umano sa kotse ng mga biktima at sunod-sunod na pinaputukan ang sasakyan ng mag-ama.

Iniimbetigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman ang krimen sa dating trabaho ng retiradong pulis.
 

-- FRJ, GMA News