Umalis si Liz de Leon sa Pilipinas para magtrabaho bilang yaya sa Qatar. Pero hindi tulad ng ibang  kuwento overseas Filipino worker na malungkot ang nangyayari, si nanay Liz o yaya Zubaidah, itinuring miyembro ng pamilya ng kaniyang pinagsilbihan at labis na napamahal sa kaniyang alaga.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ng Qatari national na si Nasser al-Naama, naging alaga ni nanay Liza, ang husay niya sa pagsasalita ng Filipino dahil na rin sa turo ng kaniyang yaya, na naging bahagi ng kanilang pamilya sa mahigit 20 taon.

Ayon kay Nasser na nagsusulat ngayon sa Qatar Living, naging malapit daw siya sa mga Pilipino nang dahil sa kaniyang yaya Zubaidah.

Taong 1986 nang mamasukan si yaya Zubaidah o nanay Liz sa pamilya al-Naama sa Qatar, at inalagaan niya sina Nasser, Mohammad, MakDim, at Aysha.

Sa apat, si Nasser ang naging pinakamalapit sa kaniya.

Inihayag mismo ni Nasser na si yaya Zubaidah ang itinuturing niyang pangalawang ina.  Naging sandalan daw niya ang Pinay yaya sa tuwing may problema siya at nasasabihan din niya ng kaniyang mga sikreto.

Sa tuwing pinaghahandaan siya ng pagkaian, Pinoy food daw ang hinihiling ni Nasser.  Kaya naman naging paborito rin ni Nasser ang hilaw na mangga na kapartner ng bagoong.

Ngunit nang lumaki na sina Nasser, nagpasya na si Yaya Zubaidah na bumalik sa Pilipinas noong 2010. Nais din niyang makabawi sa mga panahon na wala siya sa piling ng kaniyang mga anak.

Sa panahon nang inilagi niya sa Qatar, labis ang pasasalamat ni nanay Liza sa pamilya al-Naama dahil hindi siya itinuring na iba at isinasama pa siya sa mga lakad nito.

Ngayon, naninirahan si Cavite si yaya Zubaida.

Bagama't may komunikasyon rin sa telepono ang dating yaya at alaga, naisipan gumawa ni Nasser ng video, sa tulong ng kaibigan niyang Pilipino, upang ipahayag ang labis na pasasalamat sa kaniyang yaya Zubaida.

Nang makarating naman kay yaya Zubaidah ang video, labis ang pasasalamat nito na hindi siya kinakalimutan ang kaniyang dating alaga na itinuturing niyang anak.

Sa tulong ng "Kapuso Mo Jessica Soho," muling nagkaroon ng pagkakataon ang dalawa na magkita sa pamamagitan ng Skype.

Sa tagpong iyon, hindi na napigilan ni Nasser na maging emosyonal at maluha nang makausap ang mahal niyang yaya.

Panoorin ang madamdamin nilang pag-uusap sa "KMJS:"

Click here for more GMA Public Affairs videos:


-- Jamil Santos/FRJ, GMA News